CAUAYAN CITY – Inamin ng suspek sa kaso ng pananaksak na dati niyang kaibigan ang biktima ngunit nagkaroon ng lamat kaugnay ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot sa Luna, Isabela.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Luna Police Station na ang suspek na si mark Jesus Ramel, 19 anyos, binata, tsuper at residente ng Dadap, Luna, Isabela ay sangkot sa ipinagbabawal na gamot at may mga pangalan na kanyang idinawIt sa illegal na droga at kasama na ang biktima na si Joseph Baysac, 19 anyos binata residente ng Centro 3, Luna, isabela.
Ang suspek ang sinisisi ni Baysac kung bakit siya isinailalim sa Oplan tokhang na dahilan ng lamat ng kanilang pagkakaibigan.
Sa naging panayam ng bombo radyo Cauayan, sinabi ni Ramel na nakasama na niya sa paggamit ng illegal na droga si Baysac na ikinasama ng loob nito.
Kagabi nang mapadaan ang biktima ay sinuntok ang suspek na nauwi sa pananaksak.
Ang biktima ay nagtamo ng sugat sa leeg, balikat at likod na agad dinala sa isang pribadong pagamutan sa cauayan City.
Sinabi ni Ramel na apat na beses na siyang sinaktan ni Baysac.
Sinabi ni PO3 Michael Lagonilla, tagasiyasat ng Luna Police Station na sa Martes sasampahan nila frustrated homicide ang suspek na nasa pangangalaga ng pulisya.
Idinagdag pa ni PO3 Lagunilla na dati ng may alitan ang dalawa na mga drug surrenderee.




