Binatang binaril patay sa Isabela may kinakaharap na kasong pagnanakaw
CAUAYAN CITY- Pinatotohanan ng pamunuan ng Cauayan City Police Station na ang nabaril at napatay na binata sa Alicia, Isabela ay nasangkot na rin sa pagnanakaw sa Cauayan City.
Ito ang nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr Insp. Essem Galiza, police Community Relation Officer at Pinuno ng Women and Protection Desk ng Cauayan City Police Station.
Sinabi ni Sr. Insp. Galiza na noong Agosto 2013 at Setyembre, 2013 ay naisampa ang dalawang kaso ng pagnanakaw laban sa napatay na si Jericho Mongcal, 18 anyos, binata at residente ng San Fermin, Cauayan City.
Ang nasabing dalawang kaso na naisampa laban kay Moncal na noon ay labing apat na taong gulang pa lamang ay kasalukuyan pa ring dinidinig sa tanggapan ng Regional Trial Court Branch 20, Cauayan City.
Bukod dito ay ipinahayag ni Galiza na bagamat dinala sa bahay pag-asa, lugar kung saan dinadala ang mga menor de edad na lumabag sa batas si Mongcal ay nakatakas naman noong Nobyembre 2016.
Sinikap na hanapin ng mga pulis upang maibalik sa bahay pag-asa ngunit nabigong mahanapan si Mongcal hanggang sa mabaril at patay sa Alicia, Isabela ng hindi pa matukoy na mga suspek
Iniuugnay din si Mongcal sa mga nauna nang naganap na nakawan ng tricycle at motorsiklo dito sa Lunsod ng Cauayan .
Naniniwala ang mga kasapi ng Alicia Police Station na posibleng may kaugnayan sa illegal na gawain ang motibo sa pamamaslang sa binata.
Nauna rito si Mongcal ay kasalukuyang bumibili ng balot sa Barangay Victoria, Alicia, Isabela nang may tatlong lalaki ang lumapit sa kanya at pinagbabaril, nakatakbo sa bukirin ang biktima ngunit hinabol siya ng mga suspek at muling pinagbabaril na sanhi ng agaran nitong kamatayan.




