CAUAYAN CITY- Kasalukuyan na ang ginagawang search and rescue operation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Alcala katuwang ang mga otoridad sa isang 16-anyos na lalaki na nalunod sa Ilog Cagayan na bahagi ng Barangay Carallangan, Alcala, Cagayan.
Kinilala ang lalaki na si Johnmark Costales, motorbanca operator at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Geffrey Aresta, Operation and warning section Chief ng MDRRMO-Alcala, kaninang pasado alas dyes ngayong umaga ng Biyernes, Pebrero 28, 2025 nang makarating sa kanilang opisina ang naturang pangyayari na agad namang nirespondehan ng kanilang grupo.
Aniya, habang patawid ang biktima sa Ilog Cagayan gamit ang pampasaherong motorbanca sakay ang tatlong pasahero at isa nitong kasamahan, biglang nahulog ang biktima na nasa likurang bahagi ng bangka.
Hindi agad napansin ng kasamahan nito ang biktima kaya hindi nito nagawang tulungan.
Sinabi ni Aresta na posibleng inatake ng sakit na epilepsy ang biktima na posibleng sanhi ng kanyang pagkahulog sa nasabing ilog.
Sa ngayon, sinabi ni Aresta na pahirapan ang kanilang search and rescue dahil malakas ang agos ng tubig pero tiniyak ng naturang tanggapan na gagawin nila ang lahat para mahanap ang biktima.