--Ads--

Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Sta. Maria Police Station ang isang 18-anyos na binata sa Brgy. Poblacion 3, Sta. Maria, Isabela, dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang “Anti-Bomb Joke Law.”

Ang operasyon ay isinagawa bandang 11:30 ng umaga noong Nobyembre 11, 2025, sa bisa ng Mandamiento De Aresto na inilabas ng Municipal Circuit Trial Court ng San Pablo–Sta. Maria, Isabela, noong Oktubre 27, 2025 at may inirerekomendang piyansa na ₱30,000.

Batay sa ulat, nagbiro umano ang suspek na pasasabugin ang isang paaralan sa nasabing bayan. Matapos ang masusing beripikasyon at koordinasyon, agad na kumilos ang mga operatiba upang isilbi ang warrant of arrest.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa dokumentasyon bago ipasakamay sa kaniyang court of origin.

--Ads--

Ang nasabing operasyon ay bahagi ng kampanya ng Isabela Police Provincial Office sa ilalim ng programa ni PRO2 Regional Director PBGEN Antonio P. Marallag Jr. upang tugisin ang mga lumalabag sa batas at nagdudulot ng takot sa mamamayan.