Isang 14-anyos na batang lalaki mula sa Dallas, Texas, ang nagpakitang-gilas sa buong mundo matapos lumikha ng isang smartphone app na kayang mag-diagnose ng sakit sa puso sa loob lamang ng pitong segundo.
Si Siddharth Nandyala ang may-akda ng Circadian AI, isang makabagong app na gumagamit ng artificial intelligence (AI) para marinig ang mga tibok ng puso at matukoy agad kung mayroong problema sa cardiovascular system ng isang tao.
Si Siddharth ay hindi isang ordinaryong bata. Siya ang pinakabatang AI-certified professional sa buong mundo, at may mga sertipikasyon mula sa Oracle at ARM.
Ang Oracle ay isang kilalang kompanya na nag-specialize sa software at database technology, habang ang ARM naman ay isang teknolohiya na ginagamit sa mga processors, na tumutulong sa mga gadgets at devices na mag-operate ng mas mabilis at mas epektibo.
Ang app na Circadian AI ay nasubok na sa mahigit 15,000 pasyente sa U.S. at 700 sa India, at may 96 percent accuracy sa pagtukoy ng sakit sa puso.
Ipinakita ni Siddharth ang kanyang imbensiyon sa isang malaking global summit sa Hyderabad, India kung saan pinakita niya kung paano makakatulong ang app sa mga komunidad na walang sapat na access sa mga serbisyong medikal.
Dahil sa kanyang tagumpay, nakatanggap si Siddharth ng papuri mula sa Indian government, na nagsabi na ang dedikasyon at talento ng batang imbentor ay isang malaking inspirasyon.
Si Siddharth, na kasalukuyang nag-aaral ng Computer Science sa University of Texas sa Dallas, ay nagsabi na ang layunin ng Circadian AI ay hindi lamang para sa mabilis na diagnosis ng sakit sa puso, kundi upang magbigay ng mas madaling access sa pangangalaga sa kalusugan, lalo na sa mga lugar na kulang sa medical facilities.
VIA Philstar