CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang binatilyo matapos sumabog ang kanyang nilalarong paputok sa Brgy. Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si John, 12-anyos, estudyante at residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bayombong Police Station, pinulot umano ng biktima ang hindi sumabog na paputok na kung tawagin ay bawang.
Inilagay niya ito sa isang papel pagkatapos ay sinindihan dahilan kaya ito pumutok na nagresulta ng kanyang pagkasugat.
Agad namang itinakbo sa pagamutan ang biktima at ayon sa pulisya nagtamo ang binatilyo ng minor burn sa kanyang kanang kamay.
Nakalabas naman agad sa pagamutan ang biktima.
Patuloy ang paalala ng mga otoridad sa mga mamamayan na iwasan ang paggamit ng paputok upang hindi na makadisgrasya pa ng iba.