--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang menor de edad na nasagasaan ng trak makaraang mahulog sa sinasakyang traysikel sa Brgy. Balog, Tumauini, Isabela.

Ang biktima ay si Jaypee Tandayu, 15 anyos residente ng Brgy. Balog, Tumauini,Isabela.

Si Franklin Balunsat, residente rin ng Brgy. Balog, Tumauini,Isabela ang tsuper ng traysikel habang ang tsuper ng trak na nakasagasa sa biktima ay si Raymond Cabanto, 31 anyos, residente ng San Fernando, Pampanga.

Binabagtas ng dalawang sasakyan ang iisang direksiyon sa kahabaan ng lansangan sa Brgy. Balog, Tumauini nang patungo na sa kabilang dako ng lansangan ang traysikel ay hindi nito napansin ang paparating na trak.

--Ads--

Biglang bumalik sa dating linya ang traysikel ngunit nahulog ang kanyang pasahero na nakaupo sa likod ng tsuper.

Sa pagkahulog ng biktima ay nasagasaan siya ng trak.

Nagtamo ng malalang sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang binatilyo na agad isinugod ng tsuper ng traysikel sa pagamutan ngunit binawian ng buhay habang nasa daan.