--Ads--

Nagpaalala ang Department of Agriculture o DA Region 2 sa mga magsasaka na huwag tangkilikin ang mga nagbebenta ng binhi na umano’y galing sa kagawaran at may tatak na not for sale.

Matatandaang dinakip ng mga otoridad sa Cauayan City ang dalawang indibidwal dahil sa pagbebenta ng mga agricultural products pangunahin na ang binhi ng palay na pagmamay-ari ng pamahalaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2 nanawagan siya sa mga magsasaka na huwag tangkilikin o bilhin ang mga binhing may tatak na galing sa DA dahil libre itong ibinibigay at hindi ibinibenta ng kung sino mang indibidwal.

Hindi aniya dapat tangkilikin ito ng mga magsasaka dahil maaring luma na ang mga ito at hindi na maganda ang pagtubo o peke at nilagyan lamang ng tatak na mula sa DA.

--Ads--

Maaring magdulot lamang ito ng pagkalugi ng mga magsasaka kung ito ay hindi maganda ang tubo kapag naitanim.

Nakikipag-ugnayan na umano sila sa DA Region 3 kung saan hinihinalang galing ang mga binhi dahil sa tatak ng sako nito upang berepikahin ang impormasyon.

Muli naman niyang nilinaw na walang kinalaman dito ang DA Region 2 at nalulungkot din sila dahil nagagamit ng mga manloloko ang magsasaka para sa kanilang personal na interes.

Naibebenta ang mga binhi sa mga magsasaka na hindi alam na ito ay ibinibigay ng kagawaran ng libre.

Hinala ni RED Aquino, karaniwan sa mga bumibili nito ay mga hindi rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA at hindi nakakatanggap ng mga binhi, abono at voucher mula sa DA.