Magdaraos ng dalawang anniversary concert ang BINI na pinamagatang “Signals” ngayong taon.
Ang unang konsiyerto ay gaganapin sa Hunyo 20 sa SM Mall of Asia Arena, na susundan naman ng ikalawang palabas sa Hulyo 11 sa SM Seaside Cebu Arena.
Bukod sa concerts, nagbigay rin ng pahiwatig ang grupo tungkol sa ilalabas nilang bagong musika sa pamamagitan ng hashtag na #BINI_SignalsEP. Gayunpaman, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ukol sa nasabing EP at mga palabas.
Matatandaang inilabas ng BINI ang kanilang album na Flames noong 2025, na naglalaman ng mga kantang “Sweet Tooth,” “First Luv,” “Paruparo,” at “Shagidi.” Nitong Marso naman, inilabas nila ang kanilang pinakabagong single na Unang Kilig.
Kamakailan lamang ay nagtanghal ang grupo sa Wonderful Moments Music Festival at naging surprise guest din sa reunion concert na rAWnd 3 ng Sexbomb Girls.
Samantala, nakatakda ring gumawa ng kasaysayan ang BINI bilang kauna-unahang Filipino group na magtatanghal sa Coachella ngayong Abril.





