Nakilahok ang P-pop girl group na BINI sa Filipino Heritage Night na inorganisa ng Los Angeles Clippers sa Intuit Dome sa Inglewood, ilang araw bago ang kanilang inaabangang debut sa Coachella Valley Music and Arts Festival 2026.
Batay sa mga larawang ibinahagi ng grupo sa kanilang opisyal na social media accounts nitong Abril 1, dumalo ang walong miyembro ng grupo sa laban ng Clippers kontra Portland Trail Blazers.
Nagpasalamat ang grupo sa NBA Philippines, sa Clippers, at sa mga organizer ng Filipino Heritage Night sa pagkakataong makibahagi sa selebrasyon. Ayon sa kanila, mahalaga ang karanasang ito at ikinatuwa nila ang suporta ng Filipino community sa Los Angeles.
Ang event ay nagbibigay-pugay sa kulturang Pilipino at sa Filipino-American community. Tampok bilang special guests ang BINI, na kauna-unahang P-pop group na lumahok sa isang Filipino Heritage Night ng NBA.
Sa okasyon, tumanggap ang grupo ng customized jerseys mula sa Clippers na may kani-kanilang numero. Nakipag-interact din sila sa Clippers Spirit dance squad, habang pinatugtog sa arena ang kanilang kanta na “Honey Honey.”







