Iniulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagkaloob ang ahensya ng gabay at paliwanag sa mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Isabela hinggil sa wastong pamamahala at pagbubuwis sa kanilang mga proprietary activities.
Nagmula ang impormasyon matapos ang isinagawang pagpupulong ng mga local government unit (LGU) kung saan inimbitahan ang BIR upang magbigay-linaw sa usapin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Revenue District Officer Robertson Gazzingan, binigyang-diin ng opisyal na mahalagang maunawaan ng bawat lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng proprietary activities dahil dito nagmumula ang ilan sa mga dagdag na kita ng mga LGU na nakadaragdag sa kanilang pondo.
Ayon kay Gazzingan, bagaman ang proprietary activities ay hindi tuwirang bahagi ng pangunahing tungkulin ng pamahalaan, malaki ang naitutulong nito sa pag-unlad ng ekonomiya ng isang bayan. Kabilang dito ang operasyon ng mga public market, pamamahala ng mga tourism facilities, slaughter houses, at iba pang establisimyento kung saan kumikita ang LGU sa pamamagitan ng pagpapaupa ng mga puwesto at pangongolekta ng bayarin.
Paliwanag pa ng opisyal, bukod sa benepisyong napupunta sa LGU, nakatutulong din ang mga naturang aktibidad sa pambansang pamahalaan dahil sa buwis na nalilikom mula sa mga ito.
Giit niya, dapat maunawaan ng mga LGU ang kanilang responsibilidad sa pagbabayad ng tamang buwis upang makadagdag sa pondo ng national government.











