Nagsampa ngayong araw ng mga reklamong ‘tax evasion’ ang Bureau of Internal Revenue kontra sa mga korporasyon na sangkot sa ilegal na gawain.
Kung saan personal pang nagtungo sa tanggapan ng Department of Justice si BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. upang pormal na isampa ang mga reklamo.
Inihain sa Kagawaran ng Katarangun ang dalawampu’t tatlong (23) ‘tax evasion complaints’ laban sa 23 Corporations, 56 corporate officers at 17 accountants.
Ayon kay Commissioner Lumagui Jr, nadiskubre ang mga ito na gumagamit o bumibili ng mga ‘ghost receipts’ upang matakasan ang obligasyong magbayad ng kaukulang buwis.
Nasasangkot aniya rito ang mga korporasyon at indibidwal mula sa iba’t ibang mga industriya gaya ng sa negosyong construction, manufacturing, food, electronics, entertainment, marketing retail at iba pa.
Ibinahagi pa nito na umabot sa 1.41-bilyon Piso ang nawala o tax deficiency sa Bureau of Internal Revenue sa koleksyon nito ng buwis dahil sa mga nabistong ilegal na transaksyon.
Dahil rito, inihayag ni Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ang pagsasampa ng ganitong mga reklamo ay nagpapakita ng kanilang seryosong aksyon para malabanan ang mga tax evaders sa bansa.
Aniya, hindi lamang ang mga nagbebenta ng ghost receipts ang kanilang habol kundi maging ang mga bumibili nito ay titiyaking mapapanagot din sa batas.
Ang mga sinampahan ng reklamo ay sangkot sa ‘tax evasion’ sapagkat ang kanilang pakay na mapalaki ang ‘tax input’ para mapababa ang obligasyong bayaran na buwis.
Pinasalamatan ni BIR commissioner Lumagui ang Department of Justice sa pagsuporta nito sa kawanihan upang tuluyang mapanagot at masampahan ng kaso ang mga sangkot sa ilegal na gawain o transaksyon.
Dadaan ang mga reklamo sa ‘evaluation’ ng DOJ upang makumpirma ang mga ito bago tumayo bilang kaso laban sa mga korporasyon nasasangkot.











