Nagsampa na ng kasong kriminal ang Bureau of Internal Revenue o BIR laban sa mag asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya dahil umano sa hindi pagbabayad ng kabuuang P7.1 bilyong buwis.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., inihain ng ahensya sa Department of Justice o DOJ ang reklamo laban sa mag-asawang Discaya at kay Steve Balano, isang opisyal ng kanilang kompanya na St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corporation.
Ayon sa BIR ang pangunahing kaso laban sa mag-asawa at kay Balano ay bunsod ng kanilang kabiguang maghain at magbayad ng buwis sa kita mula 2018 hanggang 2021 na umabot sa bilyon-bilyong piso.
Isa pang kaso ang may kinalaman sa hindi nila paghahain ng documentary stamp tax returns at hindi pagbabayad ng kaukulang buwis matapos umano nilang mag-divest o ibenta ang kanilang mga bahagi sa apat na construction companies.
Giit ni Lumagui malinaw na indikasyon ng hindi tamang pagsasagawa ng divestment ang kabiguang magbayad ng kaukulang buwis.
Bukod pa dito may hiwalay ding reklamo laban sa mag-asawang Discaya dahil sa hindi pagbabayad ng excise taxes para sa siyam na luxury vehicles na nakarehistro sa kanilang pangalan.
Sa kabuuan ayon kay Lumagui na umaabot sa P7,182,172,532.25 ang kabuuang buwis na dapat bayaran ng mag-asawang Discaya.
Dagdag pa ni Lumagui, patuloy pa ang isinasagawang auditing sa iba pang kompanya ng mga Discaya kaya’t posibleng madagdagan pa ang mga kasong isasampa laban sa kanila.
Kinumpirma din ni Lumagui na may iba pang isinasailalim sa audit at lifestyle check.











