Naaresto ng mga awtoridad ang isang bise alkalde sa lalawigan ng Camiguin matapos umanong makumpiskahan ng 15 grams ng hinihinalang shabu at ilang baril sa loob ng kanyang bahay.
Ayon sa ulat, isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon sa mismong tahanan ng suspek sa bayan ng Guinsiliban bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Hindi pinangalanan ng PDEA ang nasabing opisyal, ngunit kinumpirma na siya ay naaresto dahil sa pagkakaroon ng ilegal na droga sa kaniyang pag-iingat.
Ayon kay PDEA Spokesperson Joseph Calulut, hindi pa masasabing sangkot sa pagbebenta ng droga ang suspek.
“Hindi pa naman po natin masasabi na talagang nagbebenta, pero may nakitaan doon sa kanyang bahay, so he is in possession of dangerous drugs,” ani Calulut.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang PDEA mula sa kanilang hotline na “Isumbong mo sa PDEA.” Matapos nito ay kumuha sila ng search warrant mula sa korte bago isinagawa ang pagsalakay.
Hindi umano nanlaban ang suspek nang siya ay arestuhin.
Samantala, mula Enero hanggang Pebrero 2026, umabot na sa 13 halal na opisyal ang naaresto ng PDEA dahil sa kaugnayan sa ilegal na droga.
Noong 2025 naman, kabuuang 68 opisyal ng gobyerno ang nahuli sa parehong kaso, kung saan ang mga municipal councilor ang may pinakamataas na ranggo sa mga naaresto.
Nagbigay din ng babala ang PDEA sa mga opisyal ng pamahalaan.
“Ito ay paalala sa ating mga lokal na opisyal na hindi dahilan ang kanilang posisyon upang makagawa ng krimen,” dagdag ni Calulut.










