--Ads--

Sugatan si Vice Mayor Artemio Tumamao Jr. ng San Isidro, Isabela matapos umanong magpaputok ng baril at bugbugin ng kanyang mga nakainuman sa Barangay Quezon noong gabi ng Oktubre 22, 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Ana Marie Anog, hepe ng San Isidro Police Station, sinabi nitong nangyari ang insidente bandang alas-onse ng gabi habang nag-iinuman ang dalawang lalaki kasama ang isang SK chairman. Dumating umano sa lugar ang bise mayor at nakisali sa kanilang inuman.

Pagkalipas ng ilang minuto, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng opisyal at ng kanyang mga kainuman.

Sa gitna ng inuman, tinanong umano ni Tumamao kung sino sa kanila ang nais maging bodyguard niya bago ito nagtungo sa kanyang sasakyan upang kunin ang kanyang baril.

--Ads--

Nang sitahin siya ng mga kainuman tungkol sa pagdadala ng baril habang nag-iinuman, nagalit umano ang lokal na opisyal at nagpaputok ng kanyang baril, dahilan upang pagtulungan siya ng mga biktima at bugbugin.

Agad namang nakialam ang SK chairman at naagaw ang baril mula sa bise mayor bago dumating ang mga pulis.

Dinala ng mga rumespondeng tauhan ng San Isidro Municipal Police Station ang sugatang opisyal sa Isabela South Specialists Hospital, habang isinugod naman ang mga biktima sa Echague District Hospital para sa medikal na gamutan.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang Glock Gen4 .40-caliber pistol na may extended magazine at isang basyo ng bala ng .40-caliber shell casing.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng San Isidro Police ang resulta ng ballistics examination at cross-matching upang matukoy kung ginamit nga sa insidente ang nasabing baril. Isinasagawa rin ang beripikasyon upang malaman kung lisensyado ang naturang armas.

Samantala, hindi pa nakukuhanan ng pahayag si Vice Mayor Tumamao dahil nasa ospital pa rin siya at nagpapagaling mula sa mga tinamo niyang sugat.

Tiniyak naman ng San Isidro Police Station na isasagawa nila ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng pangyayari at ang mga dapat managot sa insidente.