Hindi inasahan at hindi rin inambisyon ni Ilagan Bishop David William Antonio na maitalaga bilang Arsobispo ng Archdiocese of Nueva Segovia.
Bagama’t puno ng pasasalamat, inamin ng obispo na may halong lungkot ang kanyang nararamdaman dahil kinakailangan niyang lisanin ang lalawigan ng Isabela, ang lugar na kanyang minahal at pinaglingkuran sa loob ng ilang taon.
Matatandaang itinalaga ni Santo Papa Leo XIV si Most Rev. David William V. Antonio, D.D. bilang bagong Arsobispo ng Archdiocese of Nueva Segovia sa Vigan City, Ilocos Sur, kapalit ni Archbishop Marlo Peralta, na magreretiro matapos ang kanyang matagal na paglilingkod sa simbahan.
Si Bishop Antonio ay kasalukuyang Obispo ng Diocese of Ilagan mula pa noong 2018, at sa kanyang pamumuno ay naging aktibo ang diyosesis sa mga gawaing pastoral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bishop Antonio na lubos siyang nagulat nang matanggap ang balita ng kanyang pagkakahirang bilang arsobispo.
Bagama’t malungkot dahil iiwan niya ang mga paring matagal niyang nakasama at ang mga mamamayang napalapit na sa kanya, itinuturing niyang isang malaking biyaya ang bagong tungkulin bilang patunay ng tiwala ng Santo Papa at ng Simbahan sa kanyang kakayahan at pananampalataya.
Ang Archdiocese of Nueva Segovia, na matatagpuan sa Vigan City, Ilocos Sur, ay isa sa mga pinakamatandang Archdiocese sa Pilipinas at may malaking ambag sa kasaysayan ng Simbahang Katolika sa bansa.
Sa kanyang bagong tungkulin, inaasahang ipagpapatuloy ni Archbishop-elect Antonio ang misyon ng simbahan na palalimin ang pananampalataya, pagtibayin ang pagkakaisa ng mga mananampalataya, at paigtingin ang paglilingkod sa Diyos at kapwa, lalo na sa mga nangangailangan.
Nagpasalamat naman siya sa Santo Papa Leo XIV sa ipinagkatiwalang bagong misyon at nanawagan ng panalangin mula sa mga mananampalataya upang magampanan niya nang buong puso ang kanyang bagong tungkulin bilang pinuno ng Archdiocese of Nueva Segovia.











