Inaasahang magiging Sede Vacante sa mga susunod na araw ang Diocese of Ilagan kapag naitalaga nang Arsubispo ng Archdiocese of Nueva Segobia sa Ilocos Region si Bishop David William Antonio na siyang kasalukuyang namumuno sa naturang Diyosesis.
Ibig sabihin, pansamantalang magiging bakante ang posisyon ng Obispo.
Si Bishop Antonio ay itatalaga bilang Arsobispo sa Enero 14, ganap na alas-9 ng umaga sa Vigan, Ilocos Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Social Communications Director ng Diocese of llagan at Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Cauayan, sinabi niya na magdaraos sila ng misa upang bigyang pugay si Bishop Antonio na siyang nagtaguyod at nagbigay ng makabuluhang pagbabago sa Diocese ng anim na taon.
Ipinagpapanalangin naman ni Fr. Ceperez na magkaroon agad ng bagong Obispo ang Diyosesis ng Ilagan sapagkat walang katiyakan kung kailan magkakaroon ng kapalit si Bishop Antonio.
Gayunpaman, kung hindi agad magbibigay ang Roma ng isang Apostolic Administrator sa Diocese of Ilagan habang ito ay Sede Vacante ay mayroon naman umanong gagawing pagpipili ang mga kaparian para sa Administrator na pansamantalang mamumuno habang nag-aantay ng bagong Obispo.








