--Ads--

CAUAYAN CITY – Mas lalo pang dumami at lumaki ang bitak sa mga classrooms na iniwan ng mga nakalipas na lindol sa Calayan, Cagayan.

Ito ay matapos na makaranas muli ang isla ng Magnitude 6.2 na lindol kahapon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Joseph Llopis na sa nakalipas na naranasan nilang lindol ay umabot sa labing walong silid aralan ang nasira at lalo pang natuluyan at lumaki ang cracks ngayon kaya kailangan na talaga itong ayusin.

Naisangguni na nila ito sa mga concerned agencies at naghihintay nalang sila ng approval dahil hindi lang naman sila ang humihingi ng tulong.

--Ads--

Sa ngayon ay blended learning muna ang mga estudyante sa isla dahil hindi na sila pinayagang makapasok sa mga classrooms at takot na rin ang mga bata na pumasok sa mga paaralan.

Ayon pa kay Mayor Llopis, maging ang kanilang munisipyo ay may mga cracks din pero wala silang pagpipilian kundi gamitin muna bagamat may inisyal na pondo na rin sila para gumawa ng bago nilang munisipyo.

Samantala, may isa aniyang bata na nasugatan nang lumindol dahil tumalon sa kanyang kinatutuntunan na naging dahilan ng pagkakauntog at nagkaroon ng sugat sa noo.

Hindi naman na ito kailangang tahiin at nakauwi rin agad.