--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaasahang magbabalik na ngayong Marso 2021 ang operasyon ng isang bus company sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Vice Mayor Leoncio ‘Bong’ Dalin, may-ari ng Dalin JD transport na pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at pamahalaang lunsod ng Cauayan na magbiyahe sila sa rutang Cauayan City hanggang Metro Manila.

Nagkaroon na rin sila ng pagpupulong sa Cauayan City Council tungkol sa mga health protocols na ipatutupad at hinihintay na lamang nila ang guidelines ng LGU para makapag-umpisa na sila ng biyahe.

Anim na unit muna ng Dalin JD transport ang pinayagan ng LTFRB at kung maging maganda ang biyahe ay saka dadagdagan.

--Ads--

Aniya, magiging point to point ang sakayan at babaan ng mga pasahero ngunit  kung may ibibigay na terminal ang isang LGU sa kanila ay saka lamang sila magbababa sa isang lugar.

Ayon pa kay Vice Mayor Dalin, nasa LGU rin ang desisyon kung papayagang sasakay sa bus ang mga uuwi sa ibang lugar at kung papayagan man ay makikipag-ugnayan din sila sa LGU na uuwian ng biyahero para alam na may uuwi sa kanilang lugar na galing sa Metro Manila.

Sinabi ni Vice Mayor Dalin na dati ay kasama nila ang Santiago City na nag-aplay ngunit  dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa naturang lunsod ay binawi ang kahilingan.

Ang pahayag ni Vice Mayor Bong Dalin.