Nananatiling under control ang biyahe ng mga pampasaherong bus sa Lungsod ng Cauayan sa kabila ng patuloy na pagdagsa ng mga pasahero na luluwas sa kalakhang Maynila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Terminal Master Melvin Badar, sinabi niya naglagay sila ng rescue bus sa kanilang terminal sa Lungsod ng Cauayan at Santiago upang ma-accommodate ang lahat ng mga pasahero.
Batay sa kanilang obserbasyon, ngayong weekend ang inaasahan nilang pinakamaraming pasahero na magtutungo sa terminal.
Nilinaw naman niya na nasa sampung pasahero lamang ang pinapayagan nilang “mag-standing” sa bus.
Ayon kay Badar, tinitiiyak nila na nasa tamang kondisyon ang mga bus bago bumiyahe upang maiwasang magka-aberya sa daan.
Aniya, dumadaan muna sa Pre-Delivery Inspection (PDI) ang mga pampasaherong bus bago bumiyahe at mayroon ding mga naka-standby na mekaniko sa bawat terminal.
Naka-monitor din ang Land Transportation Office (LTO) sa mga terminal upang matiyak ang road worthines ng mga sasakyan.











