--Ads--

Idinepensa ng Office of the Vice President na bahagi ng mandato ang muling paglabas ng bansa ni VP Sara Duterte na bumisita sa Kuwait upang makipagpulong sa overseas Filipinos.

Iginiit ng OVP na opisyal ang paglalakbay ng Bise Presidente at alinsunod sa batas at naayon sa kanyang responsibilidad sa serbisyo publiko. Wala ring public funds na ginamit sa lahat ng travel nito sa overseas.

Matapos ang pagtungo sa Kuwait, inaasahang ang susunod na gagawin ni Duterte ay ang asikasuhin ang pagpapalaya sa ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinagdag pa ng OVP na patuloy na pinagsisilbihan ng VP ang mga Pilipino sa pamamagitan ng main office at sampung satellite offices sa buong bansa.

--Ads--

Nabatid na kinukwestyon ang kanyang madalas na pagbiyahe abroad kasunod ng pag-aresto sa ama ng International Criminal Court (ICC).

Kamakailan lang ay umalma ang Malakanyang sa tugon ni Duterte na ang mga overseas Filipino ay “frustrated” sa kalagayan ng Pilipinas.