--Ads--

Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ang kanilang pasilidad ay opisyal nang idedeklara bukas bilang isang “Attractive Workplace Facility” na drug free at contraband-free sa ilalim ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Senior Inspector Susan T. Encarnacion, ang Acting District Jail Warden ng Cauayan City District Jail, sinabi niya na isa lamang ang kanilang pasilidad sa iilang mga jail facilities sa rehiyon na makakatanggap ng naturang deklarasyon. Binanggit niya na walang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng kanilang pasilidad, kabilang ang mga personnel at Persons Deprived of Liberty (PDL).

‎Ang naturang deklarasyon ay bahagi ng patuloy na kampanya ng PDEA upang mapanatili ang mga correctional facilities na malaya sa droga at mga kontrabando, at upang mapabuti ang kalagayan ng mga bilanggo at kawani ng piitan.

‎Samantala, patuloy ang implementasyon ng Alternative Learning System (ALS) program ng BJMP sa Cauayan City District Jail. Inumpisahan ito noong Hunyo at inaasahang matatapos sa susunod na taon. Sa kasalukuyan, may labindalawang enrollees sa senior high at sampu naman sa junior high school.

--Ads--

‎Layunin ng ALS na makatulong sa rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga PDL sa lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon at kasanayan habang sila ay nasa loob ng piitan.