
CAUAYAN CITY – Isinasailalim sa drug test ang mga kawani ng district jails sa rehiyon upang matiyak na drug cleared ang BJMP Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Romeo Villante, ang Regional Chief of Staff ng BJMP Region 2, sinabi niya na programa ito ng kanilang bagong Regional Director na si Jail Senior Superintendent Maria Annie Espinosa.
Layunin ng bagong direktor na maideklarang 100% na drug free ang buong rehiyon dos.
Dahil dito ay nagsasagawa ang BJMP Region 2 katuwang ang PDEA Region 2 ng drug testing sa lahat ng personnel ng District at Municipal Jails ng BJMP.
Hanggang ngayon ay wala pa namang natatanggap na feedback si Atty. Villante sa pamunuan ng mga district jails kung mayroong mga nagpositibo sa drug test.
Ayon kay Atty. Villante bilang mga tagapagpatupad ng batas sa bilangguan ay kailangang nasa tamang pag iisip ang mga kawani ng BJMP upang sila ay maging magandang ehemplo sa mga bilanggo.
Aniya target nilang matapos ang drug testing sa mga kawani ngayong buwan ng Marso.










