Hindi isasama ng Senate Blue Ribbon Committee sa kanilang revised partial report ang dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa listahan ng mga indibidwal na irerekomenda para sa preliminary investigation kaugnay ng kontrobersya sa flood control projects. Sa halip, ipagpapatuloy ng komite ang pangangalap ng ebidensya at posibleng case build-up laban sa pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, chairman ng komite, kulang pa ang matibay na ebidensya na direktang nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y iregularidad.
Dagdag pa niya, limitado lamang sa fact-finding at financial scrutiny ang rekomendasyon laban kay Romualdez. Inirekomenda rin ng komite na magsagawa ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng pagsubaybay sa galaw ng mga account.
Sa ngayon, nakabatay lamang ang aksyon ng komite sa testimonya ng kontrobersyal na testigong si Orly Guteza, na nagsabing personal siyang nagdala ng maleta ng pera sa bahay nina Romualdez at dating kongresista Zaldy Co. Mariin namang itinanggi ng dalawa ang akusasyon. Nanatiling kwestyonable ang affidavit ni Guteza dahil hindi pa siya humaharap upang ipaliwanag ito.
Sa nakaraang pagdinig, may mga saksi ring nagtangkang iugnay si Romualdez sa contractor na si Curlee Discaya, ngunit itinanggi ng huli ang umano’y pagbili ng property sa Forbes Park na iniuugnay sa dating Speaker. Posibleng talakayin pa ito sa susunod na mga pagdinig ng Blue Ribbon.
Nilinaw ni Lacson na maaari pang magbago ang status ni Romualdez sa final report kung may lilitaw na corroborating evidence.
Samantala, tinanggihan ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating senador Ramon Revilla Jr. na irecuse si Associate Justice Karl Miranda sa kasong malversation kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Bulacan. Sa pitong pahinang desisyon, sinabi ng korte na nabigo si Revilla na magpakita ng ebidensya ng bias o partiality ni Miranda.
Itinulak ni Revilla ang recusal dahil umano sa koneksyon ng kapatid ng hukom na si Buenaventura Miranda, na nagsilbing legal counsel ng dating DPWH undersecretary Robert Bernardo sa mga pagdinig ng Blue Ribbon. Ngunit ayon sa korte, hindi ito sapat na batayan para sa inhibition.











