Tinupok ng apoy ang isang bodega matapos sumiklab ang malaking sunog sa Barangay Calamagui 1st, City of Ilagan kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Fire Marshal Fire Chief Insp. Jaime Cariño ng BFP Ilagan, sinabi niyang naganap ang insidente pasado ala-1 ng hapon.
Ayon sa kanya, pagdating nila sa fire scene ay malaki na ang apoy at umabot na ito sa ikatlong alarma.
Batay sa mga trabahador, naka-break umano sila at naiwan ang pasilidad na walang tao nang maganap ang insidente.
Umabot sa labing-dalawang fire trucks mula sa iba’t ibang himpilan ng BFP sa mga karatig bayan at lungsod ang nagtulung-tulong upang apulahin ang apoy, katuwang ang tatlong Chinese Chamber fire volunteers.
Idineklara ang fire out pasado alas-2 ng hapon.
Kabilang sa mga natupok ang isang truck at isang loader, maliban pa sa ilang kagamitang gawa sa plastic materials na nasa loob ng bodega.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng BFP Ilagan ang sanhi ng nasabing sunog.











