CAUAYAN CITY-Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police Station at provincial intelligence branch ng Isabela Police Provincial Office ang isa umanong bodyguard ng pulitiko sa Palanan, Isabela matapos matuklasang nagdala ng baril sa kanyang pagsakay ng eroplano.
Ang suspek ay si Edwin Ferrer, 59 anyos, may asawa, residente ng 438 San Jose Rd., Gayaman, Binmaley, Pangasinan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan,kay P/Capt. Geriel Frogoso, Inteligience Chief ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na bago ang pagkakadakip ng suspek ay nakatanggap ng tawag ang provincial intelligence branch kaugnay sa lalaking may dala umanong baril na lulan ng eroplanong Cessna 172 RP C8089 mula sa Palanan, Isabela na patungo Cauayan City.
Dahil dito ay agad na nakipag-ugnayan provincial intelligence branch sa Cauayan City Police Station at sa Aviation Security Group para sa pagkakadakip ng suspek.
Nang makalapag ang eroplano sa Cyclone Airways ay nakita umano ng mga otoridad angbumabang si Ferrer na pasimpleng tinanggal ang kanyang baril na nakasukbit sa kanyang baywang at inilagay ito sa kanyang back pack.
Dahil dito ay nilapitan ng pulis ang suspek at nang pabuksan ang kanyang bag ay nakita ang isang Cal.45 na may magazine at labing apat na bala, kutsilyo, dalawang cellphone, driver’s licence at expired na lisensya ng baril.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station si Ferrer na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms).