CAUAYAN CITY – Agaw pansin sa Robotic Exhibition sa Isabela State University-Cauayan Campus ang isang robot na inimbento ng isang pribadong paaralan sa Cabatuan, Isabela
Tinawag itong bomb disposal robot na-conceptualized ni Raphael Deangelo Tan, 15 anyos, Grade-10 sa Philippine Yuh Chiau School ng Cabatuan at residente ng San Manuel, Isabela.
Ang Bomb Disposal Robot ay may kakayahang malaman ang isang bagay o lugar kung may bomba o wala.
Ang ilang parte nito ay galing pa ng ibang bansa at ni-recycle ang sa mga piyesa ng ibang robot.
Ito rin ay naging second place sa World Robot Game sa Singapore noong Nobyembre 2017 kung saan nakakuha ito ng Silver Medal at certificate.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Head Coach Domingo Sales, sinabi niya na naimbento ang Bomb Disposal Robot dahil naging inspirasyon nila ang nangyaring bakbakan sa Lunsod ng Marawi kung saan maraming mga sundalo at sibilyan ang namatay.
Dahil dito malaki umano ang magiging ambag ng nasabing robot para sa pagpapanatili at kaayusan ng bansa.
Bukod sa bomb disposal robot ay naimbento rin ni Tan ang isang Robot na maaring magamit na magmonitor sa mga karagatan pangunahin na sa Benham Rise at mga ilog sa bansa.
Ang Robotic Exhibition ay bahagi ng Gaawagaway-yan Festival ng Cauayan City.




