--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang bomb threat ang iniulat sa Our Lady of Pillar College – San Manuel sa District 3, San Manuel, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Rogelio Natividad, ang hepe ng San Manuel Police Station, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na pasado alas-siyete ng umaga nitong Hulyo 21, 2025 ay isang dummy Facebook account na may pangalang “Mot Mot” ang nagpadala ng mensahe sa official page ng paaralan, gayundin sa mga departamento nito.

Sinasabi sa naturang mensahe na may itinanim umanong tatlong bomba sa loob ng kampus, partikular sa college department.

Nakasaad sa mensahe na sasabog ang mga bomba pagsapit ng ala-una ng hapon.

--Ads--

Kaagad namang inutos ng pamunuan ng paaralan ang suspensyon ng klase at inilikas ang mga mag-aaral para sa kanilang kaligtasan.

Agad ding tumugon ang San Manuel Police upang beripikahin ang banta at nagsagawa ng imbestigasyon. Humingi rin sila ng tulong sa Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) para sa pagsusuri sa kampus.

Matapos ang masusing pagsusuri ng PECU, walang nakitang pampasabog sa buong kampus. Tinutunton na rin ng pulisya ang pinagmulan ng nasabing bomb threat.

Napag-alaman din na nakatakda sanang magsimula ang examination ng paaralan nang maganap ang nasabing bomb threat.

Samantala, sa inilabas na official statement ng OLPC – San Manuel, Inc., kanilang sinabi na matapos matanggap ang Bomb Threat ay agad na nagpatupad ang paaralan ng precautionary measures upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, faculty, at staff.

Nagpapasalamat din sila sa PNP San Manuel at PECU Isabela sa maagap nilang pagtugon sa pangyayari.

Matapos ang isinagawang pagsisiyasat ay sumailalim naman ang school administration, kasama ang mga heads of offices at program coordinators sa isang oryentasyon hinggil sa tamang pamamahala sa mga bomb threat upang mapalakas ang kahandaan sa pagharap sa ganitong uri ng insidente sa hinaharap.