--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Cauayan City Police Station na walang katotohanan ang natanggap na bomb threat sa tanggapan ng Social Security System o SSS sa lungsod ng Cauayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt.Col. Ernesto Nebalasca Jr., hepe ng Cauayan City Police Station na nakatanggap sila ng impormasyon na mayroon umanong bomb threat sa SSS Cauayan City.

Una rito ay may memo ang SSS mula sa kanilang central office na may bomb threat sa lahat ng tanggapan nila kaya inireport naman nila ito sa management ng Puregold dahil tenant sila doon at sila naman ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya.

Agad naman silang tumugon kasama ang Explosive Ordnance Disposal K9 sa lunsod at sa kanilang pagresponde ay wala naman itong katotohanan.

--Ads--

Ayon kay PLt.Col. Nebalasca, sa pag-aakalang totoo ang impormasyon ay nagpanic na ang mga tao sa lugar gayunman ay ipinaliwanag nila sa mga empliyado kung ano talaga ang nangyari para mawala ang kanilang takot.

Babala niya sa mga nagbabalak na gumawa nito na may kaukulang kaso ang mga nagpapakalat ng ganitong impormasyon lalo na ang bomb threat.

Tiniyak naman nito na mahigpit ang pagbabantay ng kapulisan sa mga matataong lugar sa lunsod partikular sa mga terminals.

Payo niya na kung may ganito mang naririnig na impormasyon ang publiko ay huwag magpanic para walang masaktan at agad na ipaalam sa mga kinaukulan para matugunan.