Bagama’t magandang balita ang anunsyo ng Department of Agriculture na maglalaan ng higit ₱3 bilyong ayuda para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng mga bagyong Mirasol, Nando, at Opong, malinaw na hindi ito sapat upang matugunan ang ugat ng matagal nang suliranin sa sektor ng agrikultura.
Paulit-ulit na lamang ang ganitong sistema: magbibigay ng ayuda matapos ang sakuna, ngunit walang konkretong plano upang maiwasan ang parehong pinsala sa susunod na pagkakataon.
Sa laki ng apektadong sakahan at lawak ng pinsala, tila pansamantala lamang at kulang ang halagang inilaan. Ang mga uri ng tulong na gaya ng agricultural inputs, gamot, pautang, at indemnification ay hindi sapat upang tuluyang makabangon ang mga magsasaka.
Sa halip, ang simpleng pautang ay maaaring magpalala pa ng kanilang sitwasyon, lalo na kung sila ay baon na sa utang dahil sa paulit-ulit na kalamidad.
Ang tunay na kailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda ay pangmatagalang suporta mula sa pamahalaan.
Kabilang dito ang pagpapatayo ng matibay at maayos na irigasyon, pagsuporta sa pananaliksik para sa typhoon-resistant na pananim, at pagbibigay ng access sa modernong teknolohiya at impormasyon.
Hindi rin maikakaila ang problema sa mabagal at di-makatarungang distribusyon ng tulong, kung saan marami ang nagrereklamo na hindi sila naaabot ng mga benepisyo.
Dahil dito, nararapat lamang na magpatupad ang pamahalaan ng mga sumusunod na hakbangin:
Una, dapat magtatag ng komprehensibong disaster-preparedness program para sa agrikultura upang hindi na lang palaging “rescue” ang tugon kapag may kalamidad.
Ikalawa, kailangan palakasin ang imprastruktura sa agrikultura gaya ng irrigation systems, imbakan ng ani, at makabagong kagamitan.
Ikatlo, sa halip na utang, maglunsad ng mga grant-based o tulong-pinansyal na hindi kailangang bayaran ng mga labis na naapektuhan.
Ikaapat, gawing mas mabilis, tapat, at makatarungan ang distribusyon ng tulong gamit ang digital systems at lokal na monitoring.
Ikalima, suportahan ang lokal na pananaliksik para sa makabagong solusyong angkop sa kalagayan ng ating mga magsasaka.
At higit sa lahat, itaas ang buying price ng palay at iba pang produkto ng mga magsasaka upang masiguro ang kanilang kita at maengganyo silang magpatuloy sa pagsasaka.
Sa halip na pag-angkat ng murang bigas mula sa ibang bansa, dapat unahin ng gobyerno ang pagbili ng ani ng lokal na magsasaka sa presyong makatarungan at kapaki-pakinabang.
Hindi dapat mauwi sa panibagong cycle ng pagdurusa ang mga sakuna. Kung tunay na layunin ng gobyerno ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura, kailangang wakasan na ang kultura ng pansamantalang solusyon.
Oras na upang bigyang-halaga ang mga tunay na bayani ng pagkain sa ating hapag.











