Duda at babala, ito ang malinaw na mensahe ni Pasig City Mayor Vico Sotto kasunod ng maiingay na pasabog ng mag-asawang Sara at Curlee Discaya sa Senado hinggil sa mga maanomalyang flood control projects.
Ayon sa alkalde, bagama’t totoo na may mga kongresista, opisyal ng DPWH, at ilang kontratista na dapat papanagutin, hindi nangangahulugan na awtomatikong kapanipaniwala ang lahat ng akusasyon ng mag-asawang Discaya, lalo na’t malinaw umano ang interes ng dalawa, ito ang makaiwas sa posibleng pagkakakulong kapalit ng pagiging state witness.
Kung tutuusin, matagal nang isyu ang pagiging political weapons ng ilang testigo na ginagamit ang kanilang testimonya para sa pansariling kaligtasan o kapakinabangan.
Ang problema, kapag sablay o pabago-bago ang kanilang salaysay na nagdudulot ng kalituhan sa taumbayan at maaaring gamitin para mailihis ang atensyon mula sa tunay na mga salarin.
Tama si Mayor Vico sa kanyang paalala, dapat tayong mag-ingat at huwag basta-basta magpapauto. Ang laban kontra korapsyon ay hindi dapat nakatali sa mga personalidad na may bahid ng sariling interes.
Sa halip, dapat manatiling nakatutok ang publiko at ang mga mambabatas sa ebidensya, dokumento, mga kongkretong detalye at hindi sa mga dramatikong pahayag ng sinumang gustong iligtas ang sarili.
Ang hustisya ay hindi dapat nagiging palabas. Dapat itong magsilbing kasangkapan upang mapanagot ang tunay na may sala, at hindi upang magbigay ng entablado sa mga testigong marunong lamang sa magpaikot ng kwento.











