Inireklamo ni dating Senador Bong Revilla ang sirang flush sa loob ng kanyang selda sa New Quezon City Jail, ayon sa pahayag ni Gen. Baby Noel Montalvo, regional director ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay Gen. Montalvo, agad namang naayos ang sirang flush sa unang mga araw ng reklamo ni Revilla. Aniya, nagdulot lamang ng problema ang matagal na hindi paggamit sa naturang banyo.
“Na-address agad. Kasi nga po ‘yung mga area na ‘yun hindi nagagamit before… siguro po nag-clogged, naayos naman kaagad,” paliwanag ni Gen. Montalvo.
Ibinahagi rin ng opisyal na personal niyang binisita si Revilla dalawang linggo na ang nakalipas para sa isang regular na inspeksiyon at tiniyak na maayos ang kalagayan ng dating senador.
Bagama’t nakahiwalay si Revilla sa ibang opisyal ng DPWH na idinadawit sa flood control scandal, mayroon pa rin siyang katabing selda na may ibang preso.
Si Revilla ay nakakulong kaugnay ng kasong malversation of public funds through falsification of public documents na may kinalaman sa flood control scandal.










