Pinagbigyan ng Sandiganbayan 4th Division ang hirit ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na muling magsagawa ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman sa kinakaharap niyang malversation case kaugnay ng umano’y maanomalyang P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa inilabas na desisyon ng anti-graft court, pinayagan ng mga mahistrado ang mosyon para sa leave of court na inihain ng kampo ni Revilla, gayundin ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways na si Juanito Mendoza.
Dahil dito, inatasan ng Sandiganbayan ang Ombudsman na magsagawa ng panibagong imbestigasyon sa kasong malversation na isinampa laban kay Revilla.
Ayon kay Atty. Franchesca Señga, tagapagsalita ni Revilla, hindi nabigyan ng pagkakataon ang kanilang kliyente na tumugon sa kaso kaya’t naghain sila ng naturang mosyon.
Binigyan naman ang Ombudsman ng 60 araw upang maglabas ng ruling sa motion for reconsideration to investigation.
Samantala, wala umanong nakikitang “inconsistency” ang Ombudsman sa isinagawang imbestigasyon hinggil sa umano’y maanomalyang flood control project sa Pandi na iniuugnay kay Revilla.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, kumpiyansa sila sa mga naging aksyon ng tanggapan at nasagot na rin ang mga ibinabatong alegasyon.
Aniya, nabigyan ng sapat na pagkakataon ang kampo ni Revilla na ilatag ang kanilang depensa alinsunod sa proseso at due process.
Kaugnay ng posibleng panibagong imbestigasyon, sinabi ng opisyal na mas makabubuting hintayin muna ang magiging resolusyon ng Ombudsman bago magpasya sa susunod na hakbang.











