--Ads--

Nakakulong na sa Quezon City Jail Male Dormitory (QCJMD) si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos maglabas ng commitment order ang Sandiganbayan, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ito ay kaugnay ng umano’y pagkakasangkot ng dating Senador sa ₱92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon sa DILG, ipinasok si Revilla sa QCJMD bandang alas-2:28 ng hapon nitong Enero 20.

Iginiit ng ahensya na pantay ang ibinibigay na pagtrato at seguridad para kay Revilla gaya ng iba pang persons deprived of liberty (PDL), alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.

--Ads--

Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Superintendent Jayrex Bustinera, may sukat na 47 square meters ang detention cell ni Revilla. Mayroon itong limang double-deck na kama at isang comfort room na may shower. Maaari umanong tumanggap ng hanggang 10 katao ang nasabing selda, bagama’t hindi pa malinaw kung may iba pang PDL na kasama rito.

Dagdag pa ni Bustinera, may kabuuang 3,612 na detainees ang QCJMD bago pa ang pagdating ni Revilla, at ang dating senador ay inilagay sa “general population” area ng kulungan.

Samantala, sa isang naunang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na hindi na maaaring ilagay si Revilla sa Camp Crame Custodial Facility na karaniwang para sa mga high-profile na personalidad. Ipinaliwanag ni Remulla na nakatakdang gibain ang naturang pasilidad ngayong buwan upang bigyang-daan ang pagtatayo ng bagong imprastraktura.