CAUAYAN CITY – Mga nagkakasakit ng bovine ephemeral fever (BEF), o mas kilala sa three day sickness na mga kalabaw at baka ang kadalasang naitatala ng City Veterenary Office sa mga nakalipas na araw sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao na kadalasang kasing nakukuha ang nasabing sakit sa pabago-bagong lagay ng panahon.
Sinabi niya na maihahanlintulad din ito sa trangkaso sa mga tao kung saan kadalasan umanong natatamaan kung malamig ang panahon ang mga baka habang ang mga kalabaw naman kung mainit ang panahon.
May mga nag-aalaga ng hayop ang dumulog na sa kanilang tanggapan upang ipatingin ang kanilang mga alaga dahil sa pangamba sa kalagayan ng kanilang mga alaga.
Anya, ilan kasi sa mga sintomas ng naturang sakit ang kawalan ng gana sa pagkain, panghihina at hindi nakakatayo kung minsan.
Ayon kay Dr. Dalauidao, hindi naman mapanganib ang nasabing sakit at gumagaling din ang mga alagang hayop makalipas ang ilang araw basta hindi ito magkakaroon ng komplikasyon.
Pinayuhan niya ang mga magsasaka na sakaling makaranas ng ganitong sintomas ang kanilang mga alaga ay bukas umano ang kanilang tanggapan upang mabakunahan ang mga nasabing baka o kalabaw.