Isang malungkot na balita ang gumulat sa mundo ng sports ngayong Setyembre 14 matapos kumpirmahin ng Greater Manchester Police ang pagkamatay ng dating world boxing champion na si Ricky “The Hitman” Hatton sa edad na 46.
Natagpuan ang katawan ni Hatton sa kanyang tahanan sa Gee Cross, Hyde bandang 6:45 ng umaga, ayon sa ulat ng pulisya.Ayon sa opisyal na pahayag ng GMP, walang nakitang kahina-hinalang pangyayari sa insidente.
Si Hatton, na ipinanganak sa Stockport at lumaki sa Hyde, ay isa sa pinakakilalang boksingero ng kanyang henerasyon. Nagsimula siya sa propesyonal na boksing sa edad na 18 at naging kilala sa kanyang agresibong istilo sa ring. Hawak niya ang ilang world titles sa light-welterweight at welterweight divisions, at tinanghal na Fighter of the Year noong 2015.
Ngunit sa likod ng kanyang tagumpay, bukas si Hatton sa pagtalakay ng kanyang mga personal na laban—kabilang ang depresyon, drug addiction, at mga pagtatangkang magpakamatay. Sa kabila ng mga pagsubok, nagawa niyang makipag-ayos sa kanyang pamilya at muling bumangon.
Dalawang buwan bago ang insidente, inanunsyo ni Hatton ang kanyang pagbabalik sa boksing matapos ang mahigit isang dekadang pamamahinga. Nakaplanong lumaban siya sa Disyembre 2 sa Dubai kontra sa fighter mula United Arab Emirates na si Eisa Al Dah. Ngunit hindi siya dumalo sa laban ng isa sa kanyang mga trainee noong gabi bago siya natagpuang patay na nagbigay ng pangamba sa kaniyang mga taga suporta.









