--Ads--

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman ng bansa at Siya ay manunungkulan sa loob ng pitong taon o hanggang taong 2032.

Tinalo ni Remulla ang anim na iba pang kandidato sa shortlist, kabilang na ang mga matitinding katunggali tulad ni Philippine Competition Commission chairperson Michael Aguinaldo.

Bilang bagong Ombudsman, taglay ni Remulla ang malaking kapangyarihan sa ilalim ng 1987 Constitution upang magsagawa ng imbestigasyon, magsuspinde, magpatalsik, at magsampa ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Papalitan ni Remulla si dating Ombudsman Samuel Martires, na itinalaga noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at nagretiro nitong buwan ng Hulyo.

--Ads--

Ang kanyang pagkakatalaga ay naganap sa gitna ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon sa mga proyekto ng flood control.

Inaasahang pamumunuan ni Remulla ang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal at empleyadong sangkot sa naturang anomalya.

Bukod dito, tututukan din ng publiko ang magiging polisiya ni Remulla hinggil sa pag-access sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) — ang dokumentong naglalaman ng kabuuang yaman ng mga opisyal ng gobyerno — pati na rin sa lifestyle check ng mga lingkod-bayan.

Sa kanyang termino, nilimitahan ni Martires ang access sa SALN at itinigil ang pagsasagawa ng lifestyle checks.

Ayon kay Remulla, kanyang muling rerepasuhin ang mga polisiyang ito.

Bago ang kanyang bagong tungkulin, nagsilbi si Remulla bilang kalihim ng DOJ sa loob ng mahigit tatlong taon mula pa noong 2022 at kabilang siya sa unang batch ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Marcos Jr.

Bago pa man ito, si Remulla ay matagal na nagsilbi bilang kinatawan ng Cavite 7th District at naging gobernador din ng lalawigan ng Cavite.