CAUAYAN CITY – Problema pa rin ng ilang barangay sa lungsod ng Cauayan ang nagkalat na basura sa lungsod.
Dahil dito ay nagdagdag na ang Barangay District 1 ng kanilang MRF at mayroon nang mga boluntaryong street sweepers.
Mula sa dating anim na street sweepers ay naging sampo ito at sa ngayon ay tulung-tulong na ang mga 4Ps beneficiaries, TUPAD members, at mga estudyante sa paglilinis.
Mayroon mang sapat na Materials Recovery Facility (MRF) ay hindi pa rin kayang disiplinahin ng mga opisyales ng Barangay ang mga residente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Marc Dejoya, sinabi niya na hirap silang solusyonan ang usaping basura sa kanilang nasasakupan kaya napagdesisyon nilang magdagdag na lamang ng street sweepers.
Nakikitang problema ng barangay ang mga walang disiplinang mga residente na nagkakalat ng basura.
Mabuti nalang aniya at may mga boluntaryong street sweepers ang naidagdag na naglilinis sa dalawamput isang purok sa kanilang barangay.
Kaugnay sa usaping basura ay nakikiisa naman ang barangay sa direktibang clean up drive kung saan umaasa ang mga opisyal na balang araw ay malulutas din ang naturang problema.
Ayon pa kay Kap. Dejoya, malaking gampanin ang nakaatas sa mga street sweepers kaya laking pasasalamat nila sa mga nagboluntaryo.