Natagpuang wala nang buhay ang isang barangay kagawad sa compound ng isang gusali sa Barangay 2, San Mateo, Isabela.
Ito ay kinilalang si Kagawad Jeff Dela Cruz, 38-anyos na residente ng Barangay 3, San Mateo, Isabela.
Ayon sa caretaker ng naturang gusali na si Ginoong Edgar Tatalon, napansin umano ng kasama nitong caretaker na babae na tila mayroong tao sa loob kaya nilibot nito ang gusali at dito na niya nakita ang nakahandusay at wala nang buhay na biktima.
Hindi umano nila ito kilala kaya naman itinawag na lamang ito sa himpilan ng pulisya.
Hindi pa naman naglalabas ng anumang pahayag ang San Mateo Police Station dahil kasalukuyan pa ang ginagawa nilang pagsisiyasat at nakatakda pa nilang I-review ang mga CCTV footages upang matukoy ang tunay na pangyayari.
Tumanggi naman na ang pamilya ng biktima na isailalim sa awtopsiya ang katawan ng kanilang kaanak.











