CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang barangay kagawad matapos na makoryente sa kanyang pinagtatrabahuang bahay bilang karpintero sa purok dos, Barangay Namnama, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt Ronnie Heraña Jr. Investigation Officer ng City of Ilagan Police Station na ang biktima ay si Barangay Kagawad Roel Gammad ng Namnama, apatnapung taong gulang at may-asawa.
Mag-isang gumagawa si Gammad sa garahe ng bahay ni Nelson Simon at nagulat ang kanyang mga kasama nang makitang siya ay nakahandusay at tila wala nang buhay.
Agad na tumugon ang mga kasapi ng City of Ilagan matapos na ipabatid sa kanila ng may-ari ng bahay ang nangyari kay Gammad.
Hinihinalang ang nag-overheat na grinder na ginamit ni Gammad ang sanhi ng kanyang pagka-kuryente.
Una na umanong binalaan ng kanyang kasama si Gammad na grounded ang nasabing grinder.