CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong ang barangay kapitan ng Naguilian Sur, City of Ilagan para sa pamilya ng limang kabarangay na namatay sa pagkalunod matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa kanilang pagkuha ng mga tulya sa Cagayan River.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Barangay Kapitan Ferdinand Salvador na pawang miyembro ng mahihirap na pamilya ang mga namatay na sina Mervin Balubar, anak na si Andrea, Crisel Alvarez, apatnaput tatlong taong gulang, Reniel Dela Cruz, siyam na taong gulang at Mark Catolico, anim na taong gulang.
Kumikita ang pamilya ng mga biktima kapag panahon ng anihan at taniman ng mais dahil kabilang sila sa mga inuupahan sa pagtatanim, pag-aabono at pag-aani.
Kapag tapos na ang taniman ay kumukuha sila ng mga isda o tulya sa ilog para mapagkakitaan.
Ayon kay Barangay Kapitan Salvador, may ordinansa sa kanilang barangay na kapag may namatay ay dalawampung piso ang ibibigay na abuloy ng bawat pamilya kaya nakakalikom sila ng pito hanggang walong libong piso.
Dahil lima ang namatay sa pagkalunod sa kanilang barangay ay isandaang piso ang ibibigay ng bawat pamilya na paghahatian din ng bawat pamilya ng mga namatay.
Sinabi pa ni Barangay Kapitan Salvador na pagkatapos ng libing ay sasamahan niya ang pamilya ng mga biktima sa pagtungo sa Panlalawigang Kapitolyo para humingi ng tulong.