CAUAYAN CITY – Wala pang gabay ang Saguday Police Station sa pagbaril sa Punong Barangay ng Brgy. Magsaysay, Saguday, Quirino
Ang biktima ay si Punong Barangay Ronnie Balandang ng Magsaysay, Saguday, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCaptain Alex Orbillo, Hepe ng Saguday Police Station na nagkaroon ng reenactment sa naturang krimen kung saan naganap ang pamamaril sa Provincial Road, Brgy. Rizal, Saguday, Quirino .
Batay sa pagsisiyasat pulisya at pahayag ng mga saksi, nanggaling sa isang pagtitipon ang barangay Kapitan sakay ng tricycle na kanyang minamaneho kasama ang dalawang abarangay .
Nasa impluwensya umano ng nakalalasing na inumin ang Punong Barangay kayat may pagkakataon na halos pumapagitna sa daan ang minamanehong tricycle ng barangay kapitan.
Habang binabaybay ng mga ito ang daan, isang motorsiklo at isang pick up ang kanilang nakasalubong nang bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na putok .
Agad umanong naramdaman ng Biktima na tinamaan ng bala ng baril sa katawan.
Kahit may tama ay pinilit anyang imaneho ng Punong Barangay ang tricycle hanggang makarating sila sa Saguday Central School kung saan na sila humingi ng tulong.
Ang punong barangay ay tinamaan ng bala ng baril malapit sa kanyang puso na ngayoy ay nasa maayos nang kondisyon.
Sa ngayon ay wala pang gabay ang pulisya kung sino ang bumaril sa biktima dahil kilala naman siyang mabuting tao at walang kaaway.
Tiniyak ng pulisya na walang kinalaman sa politika ang naturang pamamaril sa Punong Barangay.
Wala ding nakuhang basyo ng bala ng baril sa pinangyarihan ng pamamaril na makakatulong sana pata matukoy kung anong klase ng baril ang ginamit sa pamamaril bukod pa sa madilim ang nabanggit na lugar.











