CAUAYAN CITY- Humingi ng tulong sa Bombo Radyo Cauayan ang kapatid ng isa sa dalawang napatay na mataas na pinuno ng New People’s Army (NPA) upang maiuwi ang bangkay ng kanilang kaanak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Barangay Erlinda Tesorio Pacatcatin ng Namnama Jones, Isabela, nakababatang kapatid ni Victorino Tesorio Alyas Dong, 1st Deputy Secretary ng Regional Operation Command ng Komiteng Rehiyon Hilagang-Silangang Luzon, at isa sa dalawang napaslang na mataas na pinuno ng NPA sa Tarlac City na mayroong nagsabi sa kanila na napakinggan sa Bombo Radyo na ang kanyang kapatid ay namatay matapos manlaban sa mga otoridad na magsisilbi sana ng kanyang warrant of arrest.
Kasama ni Ka Dong si Lolito Raza alyas Lanlan, Commander ng Danilo Ben Command na nasawi matapos manlaban sa mga pulis at sundalong magsisilbi sana ng kanilang Mandamiyento de aresto sa Brgy San Miguel, San Manuel, Tarlac City.
Inamin ni Punong-Barangay Pacatcatin na taong 1974 at nasa mahigit dalawampong taong gulang pa lamang ang kanyang kapatid na si Victorino Tesorio nang sumapi sa kilusang komunista.
Inihayag pa ng Punong-Barangay na matagal nang hindi niya nakita ang kanyang kapatid at hindi rin malaman ang kinaroroonan nito
Ang hiling lamang anya nila ngayon ay makita ang bangkay ni Victorino Tesorio upang hindi matulad sa kanilang nakatatandang kapatid na isa ring rebelde na si Benito Tesorio na hindi nila nakita ang bangkay matapos masawi.
Samantala sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, Tiniyak Captain Jefferson Somera ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Phil. Army na makukuha nina Punong-Barangay Pacatcatin ang bangkay ng kanilang kaanak sa lalong madaling panahon.
Anya ang bangkay ng nasabing mataas na pinuno ng komunista ay nasa isang punerarya sa Lunsod ng Tarlac.
Labis labis naman ang pasasalamat ni Ginang Pacatcatin makaraang tiyakin ni Captain Somera makukuha nila ang bangkay ng kanilang kaanak.




