CAUAYAN CITY – Problema ng Barangay Sillawit Cauayan City ang pagdami ng mga galang aso sa barangay dahil sa kawalan ng sarili nilang dog impounding facility.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Corpuz, Chief of Tanod ng nasabing barangay, sinabi niya napapansin nila sa kanilang pag roronda na tanghali man o gabi ay nagkalat pa rin ang mga aso sa daan.
Malimit din aniyang magkaroon ng aksidente ng mga motor dahil sa mga galang aso.
Aniya, dahil araw araw silang rumoronda, nakatanggap sila ng direktiba mula sa kanilang Punong Barangay na nag-aatas sa kanilang manghuli ng mga galang aso.
Nanghuhuli naman aniya sila ng mga aso ngunit nakikiusap ang mga residente na pakawalan na lang ang mga ito.
Dahil sa wala naman silang dog impounding facility ay ibinabalik din nila ang mga nahuling aso sa mga may-ari.
Noong una ay mayroon pang multa ngunit kalaunan ay wala nang nagiging multa dahil katwiran ng mga residente na sa halip na pang multa at pambili ng tali ng aso ay ipambibili na lamang nila ng kanilang pagkain.
Katwiran pa umano ng ilan, kaya hindi nakatali ang kanilang aso ay dahil ito ang kanilang nagsisilbing bantay tuwing gabi.
Kaugnay nito, hinihintay na lamang ng barangay na mabisita sila ng mga kawani ng City Veterinary Office at matulungan sila sa kanilang problema sa impounding facility.