CAUAYAN CITY – Inireklamo ng isang lalaki ang kanilang tanod sa Brgy. Amobocan Cauayan City matapos umano siyang sakalin at pagpapaluin ng kahoy habang siya nakikipagsagutan sa kanilang punong barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Bernard Lumelay, sinabi niya na nag-ugat ang sagutan nila ng kanilang punong barangay matapos niyang idulog ang problema nila sa streetlights.
Aminado naman siya na nakainom siya ng alak nang mangyari ang sagutan ngunit lumala ang tensyon nang hamunin siya ng asawa ng punong barangay ng patayan.
Sagutan lamang ang nangyayari ngunit bigla siyang sinakal ng isang brgy. Tanod at pinalo ng kahoy sa kanyang likod.
Hiling niya na madisiplina ang mga tanod kapag nagkakaroon ng kahalintulad na pangyayari at mahaba ang pasensya ng mga ito.
Nakipag-ugnayan naman ang Bombo Radyo Cauayan sa pamahalaang barangay ng Amobocan Cauayan City ngunit hindi na humarap ang punong barangay at tanging ang barangay kagawad ang nagbigay ng pahayag.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Virgilio Lumelay, sinabi niya na maliban sa nasabing reklamo ay wala na silang natatanggap na isyung kinasasangkutan ng kanilang mga tanod.
Tiniyak naman niya na mahigpit nilang imomonitor ang mga tanod pangunahin na ang inirereklamo upang hindi na maulit pa ang pangyayari.