Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sina dating DPWH Bulacan assistant district engineer Brice Ericson Hernandez at dating construction section chief Jaypee Mendoza sa Senado, matapos maglabas ng arrest warrants ang Sandiganbayan Third Division kaugnay sa isang “ghost” flood control project sa Bulacan.
Ayon sa ulat, umalis sina Hernandez at Mendoza mula sa Senate detention center bandang alas-8:15 ng gabi.
Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na siya ang nagbigay ng pahintulot para sa pagsisilbi ng mga warrant. Ipinaalam na rin kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, na siyang chair ng Senate Blue Ribbon Committee, ang naturang hakbang.
Matatandaang nakulong ang dalawa sa Senado noong nakaraang taon matapos umanong magsinungaling sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Inutusan din ng korte ang Commissioner ng Bureau of Immigration (BI) na isama ang mga pangalan ng mga akusado sa Hold Departure List, kabilang na si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Kasama rin sa mga kinasuhan sina Engr. Arjay Domasig, Engr. Emelita Juat, Juanito Mendoza, at Christina Pineda.
Ayon sa prosekusyon, nagkaisa umano ang mga akusado upang mapalabas ang ₱76 milyon para sa konstruksyon ng isang ₱92.8 milyon flood control project sa Pandi, Bulacan, na idineklarang tapos ngunit hindi naman naipatupad batay sa inspeksyon at testimonya ng mga saksi.
Bagama’t nagsumite ng aplikasyon sina Hernandez at Mendoza para maisama sa Witness Protection Program, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na hindi sila kwalipikado bilang state witnesses.











