Dumating ngayong araw sa isla ng Calayan ang BRP Waray lulan ang mga materyales mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Office of Civil Defense (OCD) na gagamitin sa pagsasaayos ng mga bahay ng mga residenteng nasalanta ng bagyong Nando.
Isinasagawa ang misyon sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Naval Base Camilo Osias (NBCO), Marine Battalion Landing Team-10, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Regional Maritime Unit 2, DENR kasama ang mga CENROs, sa tulong ng PDRRMO Cagayan, CEZA, at Santa Ana MDRRMO.
Kabilang sa mga kargamento ang GI sheets, family tents, emergency shelter repair kits, generator set, at lumber na magsisilbing tulong sa relief at early recovery operations para sa mga apektadong pamilya sa Calayan Islands.
Matatandaan na personal ding ipinagkaloob ni Gobernador Edgar Aglipay ang halos ₱30 milyon na tulong para sa Isla ng Calayan matapos ang matinding pananalasa ng Super Typhoon Nando sa lugar.
Matatandaan na unang nagbaba ng direktiba si Gob. Aglipay kaugnay sa paggamit ng Quick Response Fund (QRF) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang suportahan ang rehabilitasyon at pagbangon ng Bayan ng Calayan mula sa pinsala ng bagyo.
Batay sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), umabot sa ₱14,330,000 ang ibinigay na tulong para sa mga residenteng nawalan ng tirahan (totally damaged houses), habang ₱15,000,000 naman ang inilaan para sa infrastructure assistance.








