Naghahanda na ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong darating na Semana Santa sa pamamagitan ng pinaigting na inspeksyon at seguridad sa mga terminal at mga lugar-sambahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Kim Agbayani, Public Safety Officer ng lalawigan, sinabi nito na magsisimula na silang umikot mula Lunes hanggang Miyerkules sa iba’t ibang terminal at mga tinatawag na public convergence zones upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon kay Agbayani, makikipagtulungan ang kanilang tanggapan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine National Police (PNP), Highway Patrol Group (HPG), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang masiguro ang maayos at ligtas na biyahe ng publiko.
Dagdag pa niya, sa Huwebes at Biyernes ay magde-deploy naman sila ng dalawang team na hahati sa northern at southern Isabela upang inspeksyunin ang mga police assistance desk sa mga simbahan, gayundin ang mga first aid stations ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Mahigpit ding binigyang-diin ng opisyal na tuloy-tuloy ang koordinasyon ng kanilang tanggapan sa mga hepe ng pulisya at kani-kanilang operations unit upang masigurong maayos ang deployment ng mga personnel sa bawat bayan at lungsod.
Aniya, hindi lamang monitoring ang kanilang ginagawa kundi aktibo rin silang naglilibot sa mga lansangan bilang mga first responder sakaling may mangyaring emergency sa kasagsagan ng Holy Week o tinatawag na SumVac.
Samantala, nagpaalala rin si Agbayani sa mga motorista na maging maingat sa kanilang pagbiyahe at sundin ang mga tipid-fuel measures tulad ng tamang tire pressure, pagsasama-sama ng mga lakad, at pag-iwas sa matagal na pag-idle ng sasakyan.
Kaugnay nito, target ng Public Safety Office at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na makamit ang zero incident ngayong taon, lalo na sa mga kaso ng pagkalunod na naitala noong mga nakaraang taon.
Dahil dito, nakipagpulong na ang PDRRM Council sa mga barangay officials upang tukuyin ang mga delikadong lugar na hindi ligtas paliguan o languyan.
Apela ni Agbayani sa publiko, igalang ang mga ipinapatupad na babala at iwasan ang pagpunta sa mga lugar na ipinagbabawal upang maiwasan ang anumang sakuna ngayong Semana Santa.











