--Ads--

Isang bulag na estudyanteng tubong San Mateo Isabela ang nagtapos sa University of Santo Tomas (UST) College of Commerce and Business Administration.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jerome Santiago, dalawamput walong taong gulang at residente ng San Mateo Isabela sinabi niya nais niyang magbigay kamalayan tungkol sa kakayahan ng mga taong may kapansanan sa paningin na binibigyang-diin na sila ay pantay na may kakayahang makamit ang magagandang bagay.

Aniya napakasaya sa pakiramdam na nagbunga na ang kanyang pagsusumikap upang makapag-aral at makapagtapos sa kabila ng kanyang kapansanan.

Mahirap man ang kanyang pinagdaanan sa pag-aaral ay mas matamis naman ang kanyang pagkamit nito sa kanyang pagtatapos sa college.

--Ads--

Aniya kapag quizes o exams ay soft copy ng kanilang test ang ibinibigay sa kanya at pinapakinggan niya ito gamit ang screen reader ng kanyang laptop kaya parang nakikinig siya ng audiobook para masagutan ang kanyang exam.

Una na siyang nag-aral sa paggamit ng laptop sa school for the blind at ito ang kanyang ginamit sa pag-aaral sa kolehiyo.

Nahirapan din ang kanyang mga propesor sa paghandle sa kanya dahil siya lamang ang bulag na estudyante nila at kinailangan nilang mag-adjust para sa kanya.

Sa kabila ng mga pagsubok na ito ay hindi nagpadaig si Ginoong Santiago na nagpatuloy sa pag-aaral hanggang sa ito ay makapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Financial Management.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Teresita Dumaliang, School Director ng Isabela School for the Blind sa Cauayan City, at dating guro ni Ginoong Santiago, sinabi niya na ang kahanga-hangang tagumpay nito ay isang inspirasyon para sa mga indibidwal na may kapansanan.

Aniya masayang-masaya siya sa naabot nito sa kabila ng kanyang kapansanan at sa isa pang sikat na paaralan.

Isang napakasayang balita rin ito para sa kanilang mga guro ng Isabela School for the Blind dahil tila umapaw muli ang kanilang hangaring pag-igihan pa ang pagtuturo sa kanilang mga estudyanteng may kapansanan dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang buhay.

Aniya ang pagtatapos ni Ginoong Santiago ay hindi lamang isang personal na tagumpay kundi isang makapangyarihang mensahe ng katatagan at potensyal ng mga indibidwal na may kapansanan na maabot ang kanilang mga pangarap.