Ginawan na ng alternatibong footbridge na gawa sa kawayan ang nasirang Makilo Steel Bridge sa Tinglayan, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Mark Dave Bang-as, Municipal Administrator ng Tinglayan, sinabi niyang bumigay ang Makilo Steel Bridge na nagdudugtong sa Kalinga at Mountain Province dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan nitong mga nagdaang araw.
Unang napinsala ang mga girder ng tulay matapos gumuho ang ilang bahagi ng lupa hanggang sa tuluyan na itong bumigay.
Ang Makilo Bridge, na may katandaan na rin, ay nagsisilbing pangunahing daanan sa lugar, lalo na para sa mga tumatawid mula Kalinga patungong Mountain Province.
Dahil sa pagkasira ng tulay, dalawang barangay ang na-isolate, partikular ang Buscalan at Bugnay.
Aniya, upang kahit papaano ay makadaan o makatawid pa rin ang publiko, gumawa sila ng alternatibong tulay sa ilalim ng nasirang steel bridge, paakyat sa kabilang bahagi ng kalsada. Ang mga turistang magtutungo roon ay maaaring bumaba sa creek at sumakay sa mga PUV na nasa kabilang bahagi ng tulay.
Samantala, nakapagtala rin ang MDRRM ng ilang serye ng landslide sa lugar dahil sa pag-ulan. Gayunman, sinisiguro nila ang mabilis na pagsasagawa ng clearing operations.
Ipinag-utos na rin ng Pamahalaang Bayan ng Tinglayan ang pagbaklas sa nasirang tulay at ang pagtatayo ng panibago.











